Sulat Sa Unang Lalakeng Minahal Ko
Para sa lahat ng nagpakatanga sa pag-ibig at sa lahat ng patuloy na nagpapakatanga. Para sa lahat ng iniwan at ipinagpalit.
Mahal ko,
Mahal kamusta ka na? Mahigit isag taon na pala mula nang maghiwalay tayo. Alam ko na masaya ka na. Masaya na din naman ako bagamat paminsan-minsan ay sumasagi ka pa din sa isip ko. Siguro nga ay hindi pa ganap na naghihilom ang mga sugat na iniwan mo. O, baka nga naghilom na pero hindi ko na mabura-bura ang mga pekas niyon.
May mga gabi pa din na tulad nito. Mga gabi kung kailan tinatanong ko ang sarili ko kung saan ba ko nagkulang sa iyo? Mga gabing tinatanong ko kung ano bang hindi ko ginawa o anong dapat na ginawa ko para manatili ka? Mga gabing tinatanong ko kung kailan ka tumigil na mahalin ako? Kung kailan mo naramdaman na nagsisinungaling ka na sa tuwing sinasabi mong mahal mo ko? Kailan ka nagsimulang mag-alinlangan kung ako pa ba? Kailan mo sinabi sa sarili mo na mas mahal mo na siya? Sabihin mo, kailan naging siya at hindi na ako?
Mahal, alam mo kung gaano ako katakot umibig. Takot ako dahil alam ko sa dulo ay dalawa lang ang pwedeng mangyari: pagsawaan kita o magsawa ka. Dahil alam kong malabo na ang una at dahil nangako ka kaya sumugal ako. Ang buong akala ko ay ikaw na ngunit mali ako, dahil sa umpisa pa lang ay hindi talaga ako. Siguro nga minahal mo din ako kahit papaano, Pagmamahal na hindi sapat para makaabot tayo sa dulo. Pagmamahal na simula pa lang pala ay may kaagaw na ko.
Bakit sa lahat ay siya pa? Mahal, kaibigan ko siya. Nakalimutan mo na ba na siya pa ang nagpapayo kung paano patatatagin ang relasyon natin? Mahal, hindi ba pwedeng iba na lang? Hindi ba pwedeng ako na lang?
Hindi ko alam kung tanga lang ba ko o sadyang sobrang mahal lang kita. Sa kabila ng lahat ng sakit na dulot mo, ito ako at pinagtatanggol pa kayo. Pinagtatanggol sa masasamang salitang ibinabato ng mga kakilala natin. Hindi ako nagsasawang paulit-ulit na sabihin sa kanilang, "hayaan na natin silang maging masaya," "baka naman kasi extra lang talaga ako sa love story nila," "wala naman silang ginagawang masama, hayaan na natin sila." Mahal, hanggang sa huli ipinagtatanggol pa din kita habang ako naman ay sinasaktan mo. Ganito ba talaga ang pag-ibig? Dahil mahal ko, kung kailangan kong ibigay ang buhay ko para maging masaya ka gagawin ko. Kung kailangan kong mawala para ngumiti ka, mahal pangako, hindi mo na ko makikita pa. Paalam.
Nagmamahal,
Caira Ann
0 (mga) komento